Martes, Mayo 8, 2012

Pulis patola - Usapang gulay


Pulis patola
Usapang gulay

SAMPOL NA GAMIT NG KASABIHAN:  “Hawak na ng mga pulis ang suspek subalit nakatakas pa. Kundangan kasi’y mga pulis patola ang mga yan!”

KAHULUGAN: Pulis na walang silbi. Patanga-tanga.

PAMUHATAN:  Hinuhugot sa prase ang hugis ng patola bilang katulad na anyo ng batuta.

Ang batuta siyempre ay ang siyang simbolo ng kapangyarihan ng mga alagad ng batas bilang pamalo sa kriminal o sa mga taong sangkot sa kaguluhan kalakip ang kawalan ng intensyong makapinsala ng malubha o makamatay.

Nadadawit ang gulay na patola sa batuta ng pulis bilang pagwawangis kaugnay sa konsepto ng walang silbi.

Kumbaga, ang patolo ay batutang walang silbi sa dahilang ito ay malambot kahit di-hamak na mas malaki sa 
batutang kahoy ng pulis.

Ipampalo man ang patola ay hindi ito makakabukol at manapa’y uubrang mabiyak o mawasak dahil sa lambot.

HETO ANG PANINGIT AT PANGDIIN: Ang hanay ng pulisya, at sa kahit anumang propesyon,  ay tulad ng isang busilak na kartolinang puting-puti, walang kuyumos o gurlis ng pagkakatupi.

Hindi dapat ito mamantsahan ng kahit isang patak man lamang ng tinta ng halimbawa’y fountain pen dahil mas napapansin ng tao ang mas maliit na dumi kaysa sa maputing kabuuan ng kartolina.

Kumbaga, mas pansinin sa mata ang mga pangit at di-kaaya-aya mula sa anumang bagay, sa sinumang tao o sa alinmang institusyon. 

Giyera Patani

Giiyera patani
Usapang gulay

“Ang daming usiserong nakapalibot sa dalawang palengkerang  nag-aaway at nagmumurahan kanina. Naku talagang giyera patani ang aming nasaksihan.”  

KAHULUGAN:  Away na maingay.

PAMUHATAN:  Ang giyera patani ay away laway. 

Puno ng batuhan ng mga akusasyon, murahan at reklamo mula sa magkabilang panig subalit puro bungangaan lamang. Puro satsat.

Hindi dumarating sa pisikal na babagan ang away pero mahirap awatin ang mga nagtatatalak.

At bakit nadawit ang patani sa eksenang ito?

Kasi ang buto ng patani ay magaan at hindi solido. Hindi makakasugat.

Magbatuhan man ang nag-aaway ng buto ng patani ay walang mabubukulan.

Kahit pa ibala sa sumpit ang buto ng patani, puedeng magpantal ang katawan ng tatamaan.

Pero, sabi nga, malayo ito sa bituka. Hindi lalabas ang kinain.

HETO ANG PANINGIT AT PANGDIIN: Sa giyera patani, laluna kung kapwa lalaki ang sangkot, magkaminsa’y lalong nag-iinit at nangangalit ang nag-aaway habang inaawat.

At kapag sinubukan mo namang itulak, saka naman sila umaatras at nangangayaw.